Manila, Philippines – Minaliit lang ng Palasyo ng Malacañang ang pagkuwestiyon at pagkontra ng ilang sector sa kampanya ngayon ng pamahalaan kontra sa mga tambay.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi sila natitinag sa pamumuna ng ilang sector sa paninita at paghuli ng Philippine National Police (PNP) sa mga tambay dahil bahagi ito ng pagpapatupad ng batas.
Paliwanag pa ni Roque, ginagawa lang din ng mga pulis ang kanilang trabaho bukod pa sa pinalakas na police visibility na epektibong pangontra laban sa mga nagiinuman sa kalsada, maiingay at mga nakaharang sa mga dinadaanan ng mga tao.
Sinabi naman ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go na tila nasa sitwasyon sila ngayon ng tinatawag na damn if you do damn if you don’t.
Sinabi pa nito na kahit ano pa ang gawin ng pamahalaan ay parehong batikos din ang matatanggap mula sa mga kritiko nito.