Malacañang, tatahimik muna sa mandamus petition ni Cong. Andaya

Manila, Philippines – Tumangging magkomento ang Palasyo ng Malacañang sa Mandamus Petition na inihain ni House Majority Leader Rolando Andaya sa Korte Suprema para obligahin si Budget Secretary Benjamin Diokno na ibigay na ang salary increase ng mga manggagawa ng pamahalaan kahit hindi pa naisasabatas ang 2019 national budget.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, dahil sa subjudice doctrine ay tatahimik nalang ang executive department sa naturang usapin.

Hihintayin nalang aniya nila ang magiging desisyon dito ng Korte Suprema.


Binigyang diin ni Panelo na matagal nang naipaliwanag ni Secretary Diokno ang dahilan kung bakit hindi maibigay ang ika-apat at huling bahagi ng Salary Standardization Law o SSL dahil ito ay nakapaloob sa 2019 budget na hindi pa nakapapasa sa kongreso.
Sinabi pa ni Panelo na gustong gusto ni Pangulong Duterte na dagdagan ang sweldo ng mga manggagawa sa Gobyerno bukod pa sa nakapaloob sa SSL.

Facebook Comments