Iginiit ng Malacañang na nakabakasyon ang maraming Pilipino ng halos isang taon dahil sa pandemya kaya nararapat lamang na bawiin ang mga nawalang oras.
Ito ang pahayag ng Palasyo matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proklamasyong nagrerebisa sa listahan ng holidays ngayong 2021.
Ang All Soul’s Day (November 2), Christmas Eve (December 24), at New Year’s Eve (December 31) ay idineklarang “special working days” para muling pasiglahin ang ekonomiya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, importanteng makabangon ang bansa mula sa matagal na panahong pinadapa ng pandemya.
Punto pa ni Roque, maraming tao ang nawalan ng trabaho ngayong pandemya at nagsusumikap na makahanap ng trabaho.
Pero dahil may bakuna nang dumating laban sa COVID-19, hindi inaalis ni Roque ang posibilidad na posibleng bawiin ng Pangulo ang kautusan.
Nanawagan ang Palasyo sa publiko na magtiwala sa economic team ng pamahalaan na siyang nagrekomendang gawing working days ang tatlong holiday occasions.