Sinimulan na ng pamahalaan ang pagbisita sa mga bodega na pinaniniwalaang nag-iimbak ng sako-sakong asukal.
Ayon kay Executive Secretary Victor Rodriguez, agad niya itong ipinag-utos batay na rin ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipatupad ang visitorial powers ng Bureau of Customs (BOC) sa mga bodega para malaman kung posibleng smuggled ang asukal.
Sinabi ni Rodriguez, ang nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay matugunan agad ang problema sa kakulangan ng suplay ng asukal sa bansa kaya bago pa man aniya lumala ang sitwasyon at maging ganap na krisis pang ekonomiya ay importanteng matukoy na agad ang ugat ang problema.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na aniya ng BOC kung dokumentado at bayad ng tamang buwis ang sako-sakong asukal na natagpuan sa bodega sa San Fernando Pampanga.
Maging ang libo-libong sako ng asukal na nakuha sa isang bodega sa San Jose Del Monte Bulacan.
May 15 araw ang mga may-ari ng bodega para ipresinta sa mga awtoridad ang mga kaukulang dokumento o ebidensiya na magpapatunay na legal ang pagkakabili ng asukal.