Ipinaliwanag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na si Pangulong Bongbong Marcos lang ang tanging pipili o may sole prerogative para mag appoint ng Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff.
Sa isang statement, sinabi ni Secretary Bersamin na bilang commander in chief ng sandatahang lakas ng Pilipinas, may special priviledge ang pangulo para pumili kung sino ang itatalagang mamuno sa AFP.
Matatandaang nang nakaraang Linggo ay pinalitan ni Pangulong Marcos Jr., sa pwesto si AFP Chief of Staff Lt. General Bartolome Bacarro.
Ipinalit ng pangulo ang dati nang AFP Chief of Staff na si General Andres Centino.
Hindi naman nagbigay nang paliwanag ang Malacañang sa pagpapalit ng liderato ng AFP.
Dahil dito, may lumabas na impormasyon na di umanoy hindi ito nagustuhan ng hanay ng Department of National Defense o DND at maging hanay ng AFP.
Lalong umugong ang di umano’y tila isyu sa AFP at DND nang magbitiw naman sa pwesto nitong nitong Lunes si DND Officer in Charge Senior Usec. Jose Faustino Jr.
Bukod kay Faustino, may siyam pang DND officials ang nagbitiw sa pwesto.
Nitong Lunes rin agad naman inalok ni Pangulong Marcos Jr., si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Sec. Carlito Galvez Jr., para umupo bilang bagong kalihim ng DND na tinangap naman agad ni Galvez.
Giit naman ni Secretary Bersamin, alam naman daw ni dating DND OIC Faustino Jr., ang mga developments kaugnay sa appointment ni Gen. Centino na nagiisang 4-star general sa AFP.