
Itinanggi ng Malacañang ang paratang na nawawalan na ng interes si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpanagot sa mga sangkot sa anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, hindi nalilihis ang atensyon ng pangulo at patuloy siyang nakatutok sa takbo ng mga imbestigasyon.
Paliwanag ng Malacañang, kasabay ng paglilinis sa pamahalaan, kailangan ding tutukan ang pagpapasigla ng ekonomiya.
Hindi aniya maikakaila na ang mga nabunyag na anomalya ay may epekto sa tiwala at galaw ng ekonomiya, kaya mahalagang maresolba ang mga ito habang pinapalakas ang kabuhayan ng mga Pilipino.
Sa kabila nito, iginiit ng Malacañang na patuloy ang mga hakbang para linisin ang pamahalaan, kasabay ng pagtutok sa mga programang magbibigay ng mas maayos na oportunidad at kabuhayan sa bawat Pilipino.










