Kumpiyansa ang Malacañang sa pagbubukas ng klase sa mga pampublikong eskwelahan ngayong araw kahit hindi “perpekto” ang sistema.
Matatandaang iniurong ng pamahalaan ang pagbubukas ng klase sa October 5 mula August 24 para bigyan ang mga stakeholders ng karagdagang panahon para makapaghanda para sa Alternative Learning System.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaasahan nila na ang Department of Education (DepEd) na maresolba ang mga hamon sa alternative learning sa harap na rin ng pandemya.
Bagama’t hindi perpekto ang sistema at posibleng magkaroon ng isyu sa flexible learning, kabilang ang modular learning at susuportahan ng broadcast at online classes, tiwala si Roque na matutugunan ito ng DepEd.
Nanawagan din si Roque sa Kongreso na ipasa ang budget ng kagawaran para mapalakas ang alternative learning method.
Sa ilalim ng blended learning method, tulad ng online at modular at television-based learning education , pansmantala nitong papalitan ang tradisyunal na in-person classes para maprotektahan ang mga estudyante mula sa COVID-19.
Ang panukalang 4.506 trillion national budget para sa susunod na taon ay nasa ilalim ng deliberasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso, ang sektor ng edukasyon ang makakakuha ng malaking bahagi ng budget na nasa ₱754.4 billion.