
Iginiit ng Malacañang na hindi binigyan ng special treatment si Vice President Sara Duterte kaugnay sa pagharap nito sa korte.
Ito’y matapos na hindi sumailalim si VP Sara sa karaniwang mugshot procedure nang maglagak ng piyansa sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) noong Sabado.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi na kailangang dumaan sa karaniwang mugshot procedure si VP Sara dahil direktang nagtungo sa korte at naglagak ng cash bond, alinsunod sa umiiral na proseso.
Kapag kumpleto aniya ang mga kinakailangang dokumento, kabilang ang litrato, address, sketch ng tahanan at barangay certificate, hindi na kailangan pang pumunta sa presinto para sa mugshot.
Tungkol naman sa red carpet na inilatag sa Quezon City Regional Trial Court para sa bise presidente, sinabi ni Castro na hindi ito saklaw ng ehekutibo.
Nasa korte na kung anong proseso o hakbang ang nais nitong gawin sa loob ng kanilang nasasakupan.










