
Pinabulaanan ng Malacañang Palace ang umano’y tangkang kudeta laban sa administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr..
Kasunod ito ng kumakalat na mga larawan na nagpapakita ng presensya ng mga kapulisan at razor wire sa paligid ng Malacañang.
Ayon kay Claire Castro, Palace press officer at undersecretary ng Presidential Communications Office (PCO), kung may seryosong banta sa pamahalaan ay hindi sana bumiyahe si Pangulong Marcos patungong Cebu, Philippines at mananatili na lamang sa Malacañang upang tutukan ang sitwasyon.
Aniya, naging abala ang Pangulo sa mga aktibidad sa Cebu at tumugon sa iba’t ibang usapin sa probinsya.
Giit pa ni Castro, ang pag-unlad ng bansa ay nakasalalay sa kongkretong hakbang ng pamahalaan, at hindi sa mga haka-hakang kumakalat sa social media.
Dahil dito, nanawagan ang Palasyo sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga kuwentong walang beripikasyon.
Nauna na ring naglabas ng pahayag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at sinabing hindi nila bibigyang dignidad ang mga hindi beripikadong social media posts kaugnay ng umano’y tangkang kudeta.










