Malacañang, pumalag sa pahayag ni Davao City Mayor Baste Duterte na walang utang na loob si PBBM sa mga Duterte

Bumwelta ang Malacañang sa naging banat ni Davao City Mayor Baste Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na wala umano itong utang na loob kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nagpalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa Libingan ng mga Bayani.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, noong 2016 pa lamang ay tinanaw nang utang na loob ni dating Senador at ngayo’y Pangulong Marcos sa Korte Suprema at kay Pangulong Duterte ang bagay na ito.

Sinabi pa aniya noon ni Pangulong Marcos na habang buhay niyang ipagpapasalamat ang ginawa ni dating Pangulong Duterte.


Gayunpaman, nilinaw ni Castro na ang pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos ay naaayon sa batas na kapareho lamang sa ginawa ng pamahalaan na makipagtulungan sa Interpol sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte dahil naaayon din ito sa batas.

Binalik din ng opisyal ang tanong kay Mayor Baste kung ang pag-appoint pa ni dating PRRD kay Michael Yang na isang Chinese national bilang presidential adviser on economic affairs ay isa ring pagtanaw ng utang na loob.

Giit ni Castro, hindi kasi dapat mahinto ang utang na loob para maipatupad ang batas.

Facebook Comments