Malacañang, susunod sa ipaguutos ng SC sa isyu ng P60-B excess fund ng PhilHealth

Tatalima ang Malacañang sa magiging kautusan ng Korte Suprema kaugnay ng isyu sa P60 billion na excess fund ng PhilHealth.

Tugon ito ng Palasyo matapos sabihin ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho na dapat ibalik ang pondo sa PhilHealth sa ikatlong oral argument.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bagama’t may sapat na dahilan kung bakit inalis ang subsidiya, igagalang at susundin ng Palasyo kung ipag-uutos ng Supreme Court na ibalik ang nasabing pondo sa PhilHealth mula sa National Treasury.

Sinabi ni Kho na mas makabubuting gamitin ang pondo para palakasin ang mga benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth, sa halip na manatili ito sa National Treasury.

Dagdag pa ni Kho, may opsyon ang PhilHealth na humiling kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik ang P60 billion na nailipat sa unprogrammed funds ng gobyerno.

Facebook Comments