Nasa kamay na ng mga mambabatas kung pahihintulutan nitong taasan ang pondo ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs na mangunguna sa laban kontra droga ng pamahalaan.
Kasunod ito ng pahayag ni bagong ICAD Co-chairperson Vice President Leni Robredo na kulang ang labing-limang milyong pisong pondo ng komite para maipatupad ang lahat ng kaniyang mga plano bilang anti-drug czar.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi na hindi na mababago pa ng Office of The President ang panukalang budget.
Ang dapat aniyang kausapin ng pangalawang pangulo ngayon ay ang mga myembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Mababatid na gumugulong ngayon ang deliberasyon ng senado sa 4.1 trillion proposed 2020 national budget matapos itong lumusot sa Kamara noong Setyembre.
Maaari pa itong amyendahan hangga’t hindi pa napapagtibay sa bicam ng dalawang kapulungan.