Manila, Philippines – Dismayado ang Malakanyang sa hindi pagpapaalam sa pamahalaan ni US Special Rapporteur Dr. Agness Callamard na bumisita sa Pilipinas para imbestigahan ang “umano’y” extra judicial killings sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang pagpunta ni Callamard sa bansa nang hindi nagsasabi ay isang malinaw na senyales na hindi ito interesado na makakuha ng objective na perspektibo sa kanyang imbestigasyon.
Aniya, noong nakaraang taon ay nagpadala ang pamahalaan ng imbitasyon sa tanggapan ni Callamard para magsagawa ng kanyang imbestigasyon sa bansa nang naaayon sa mga umiiral na batas pero hindi ito sumagot at sa halip ay basta na lamang nagpunta sa Pilipinas na taliwas din sa panuntunan ng United Nations.
Ang pagbibigay aniya ng imbitasyon kay Callamard ay patunay na iginagalang ng pamahalaan ang kanyang kapangyarihan pero pinatunayan naman ni Callamard na hindi nito ipinapakita ang kanyang professionalism at objectivity sa issue nang hindi ito magpaalam.
Dagdag pa ni Abella, kung gustong makipag-usap ni Callamard sa pamahalaan ay kausapin na lang nito ang high level delegation na ipinadala ng Pilipinas sa Geneva, Switzerland.
DZXL558