Pinasalamatan ng Malakanyang ang Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 7727 o ang General Appropriations Bill (GAB) na naglalaman ng 2021 proposed national budget.
Ito’y makaraang magpatawag ng special session ang Pangulong Rodrigo Duterte at sertipikahang urgent ang naturang panukalang batas.
Matatandaan na iginiit ng punong ehekutibo ang kahalagahan ng pagpasa ng budget sa gitna ng COVID-19 pandemic lalo na’t kailangan ng gobyerno ang pondo para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Inaasahan naman ng Palasyo na maibibigay agad ng Kamara ang kopya ng 2021 national budget sa Senado para agad itong masuri at mapag-aralan kung saan maaprubahan din ito sa takdang oras.
Matatandaan na sa botong 257 affirmative at 6 negative votes, tuluyan nang inaprubahan ng mga mambababatas ang naturang panukala sa huling araw ng special session na ipinatawag ng Pangulong Duterte.
Agad pinagbotohan ang budget bill ilang minuto matapos itong makapasa sa 2nd reading.
Ang P4.506 trillion na budget para sa susunod na taon ay mas mataas ng 9.9 percent kumpara sa 2020 budget at 21.8 percent naman ng gross domestic product.