Inaatasan ng Palasyo ang Cebu province na sumunod sa health protocols na itinakda ng national government, partikular sa usapin ng testing ng arriving passengers mula sa abroad.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, nagdesisyon na si Pangulong Rodrigo Duterte makaraang mapakinggan ang panig ng Department of Health (DOH).
Base sa mensahe ni Executive Sec. Salvador Medialdea, dapat sundin ng Cebu ang Inter-Agency Task Force (IATF) arrival protocols.
Nung una kasi minamandato ng Cebu provincial government na isalang agad sa testing upon arrival ang mga Pinoy na mula sa ibang bansa taliwas sa IATF ruling na isailalim ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) at Returning Filipinos (ROF) sa testing, 7 araw mula nang sila ay makabalik sa bansa.
Makalipas nito, nagdesisyon ang Palasyo na i-divert ang lahat ng international flights bound for Mactan-Cebu International Airport sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula May 29 – June 5.
Pero ang direktibang ito ay pinalawig at nagpaso nito lamang June 12.
Kasunod nito, sinabi ng kalihim na ipinauubaya na nila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang usapin kung hindi igagalang at susundin ng Cebu provincial government ang kautusan ni PRRD.