Malakihang taas presyo sa produktong petrolyo, ipinatupad ng mga oil company ngayong araw

Muling nagpatupad ng taas presyo sa produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis ngayong araw.

Nasa P4.10 ang itinaas sa presyo ng kada litro ng diesel, P3.00 sa gasolina P3.50 naman sa kada litro ng kerosene.

Kaninang alas-12:01 ng hatinggabi, nagpatupad ng oil price increase ang kumpanya ng Caltex habang kaninang alas-6:00 nagtaas ang iba pang oil companies maliban sa Cleanfuel na alas-8:01 pa ng umaga.


Paliwanag naman ni Department of Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr., ang panibagong taas presyo ay bunsod ng pinangangambahang kakulangan ng supply ng langis sa buong mundo.

Dahilan pa rin nito ang nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, ang kaguluhan din sa libya at ang pagbabawas ng reserbang langis ng Estados Unidos.

Mula noong unang araw ng Enero, pumalo na sa P31.55 ang itinaas sa kada litro ng diesel, P18.45 sa gasolina at P25.05 naman sa kerosene.

Facebook Comments