Sa kabila ng mga kinakaharap na problema dahil sa COVID-19 pandemic, tiniyak ngayon ng mga pribadong paaralan sa bansa ang kanilang pagbubukas sa Agosto 24.
Sa interview ng RMN Manila kay Private Education Assistance Committee Executive Director Doris Fernandez, sinabi niya na 80 percent ng mga private school ang sasabay sa school opening ng mga pampublikong paaralan.
Kasabay nito, hindi naman masabi ni Fernandez kung may mga nagsara na sa kanilang hanay, maging ang bilang ng mga estudyanteng lumipat sa public dahil krisis bunsod ng COVID-19.
Batay sa tala ng Department of Education, nasa 672,403 pa lang ang nag-enroll sa private school para sa School Year 2020-2021.
Sinabi rin ni Fernandez na malaking hamon sa kanila ang gagawing blended learning lalo na’t karamihan sa mga pribadong eskwelahan sa bansa ay maliliit lang at kaunti ang kapasidad para sa online learning.
Muli rin nanawagan ang grupo sa pamahalaan para mabigyan ng ayuda ang mga pribadong paaralan sa bansa, maging ang kanilang mga guro na apektado ng pandemya.