Base sa napaulat na datus mula umano sa Commission on Audit o COA ay nanguna si Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa may malaking gastos noong 2019 na umabot sa mahigit P113.4 million pesos.
Pangalawa si Senator Majority Leader Migz Zubiri na mahigit P110.6 million pesos, pangatlo ay si Senator Grace Poe na P107.1 million pesos.
Pang-apat naman si Senator Manny Pacquiao na mahigit P106.9 million at panglima, ang nakakulong na si Senator Leila de lima na P106.4 million pesos.
Paliwanag ni Senator Recto, nakipagtulungan syang maigi sa COA at kasama sa kanyang malaking nagastos noong 2019 ang mga donasyong ibinigay sa mga lalawigan na hinagupit ng bagyo.
Binanggit ni Recto na maging sa nagdaang taong 2020 ay malaki rin ang nagastos ng kanyang tanggapan sa Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE.
Sabi ni Recto, ito ay dahil sa paghahatid pa rin ng tulong sa mga biktima ng pagputok ng Bulkang Taal at pananalasa sa Luzon ng tatlong malalakas na bagyo.
Samantala, base sa nabanggit na datus mula sa COA ay pinakamatipid naman o may pinakamababang nagastos noong 2019 si Senator Christopher “Bong” Go na mahigit P33.7 million, pangalawa sa kanya si Senator Francis Tolentino na mahigit P39.2 at kasunod sina Senators Pia Cayetano at Imee Marcos.