Lalamanin ng public address ni Pangulong Rodrigo Duterte bukas ng gabi ang malaking pagbabago sa paraan ng pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.
Pero tumanggi na munang idetalye ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kung anong klaseng mga pagbabago ito at sinabing makabubuting si Pangulong Duterte na lamang ang maglahad nito.
Gayunpaman, sinabi ng kalihim na hindi na ang uri ng quarantine ang titingnan dito, kundi kung anu-ano ang mga dapat pang gawin para mapaigting pa ang paglaban sa COVID-19 upang maiwasan ang mas mabilis na transmission ng infection.
Sa ngayon, sinabi ni Roque na magsasagawa ang pamahalaan ng expanded targeted testing kasabay ng pagtatayo ng mas marami pang isolation facilities para sa mga mild at asymptomatic COVID positive individuals.
Kahapon ay nagpulong ang Inter-Agency Task Force (IATF) para sa kanilang rekomendasyon at inilatag ito sa mga local chief executives para sa posibleng apela at bukas inaasahang ihahayag ng Pangulo ang kaniyang pasya para sa mga ipatutupad na mga bagong patakaran simula Agosto a-uno o sa darating na Sabado.