Pinuna ni Senator Francis Tolentino ang malaking share ng National Capital Region (NCR) sa ilalim ng 2023 national budget.
Sa deliberasyon ng P5.268 trillion na pondo ng susunod na taon, pinalilinaw ni Tolentino kung bakit palaging NCR ang may pinakamalaking bahagi sa budget sa gitna ng pagsisikap na paliitin ang agwat sa pagitan ng mga rehiyon.
Nilinaw naman ng senador na mahal niya ang NCR at naging Regional Development Council chairperson pa siya ng NCR.
Batay aniya sa regional allocation ng expenditure program para sa 2023, ang Metro Manila ang may pinakamataas na alokasyon na katumbas ng 18.8% ng P5.286 trillion budget o nasa P989 billion.
Sa paliwanag naman ni Senate Finance Committee Chairperson Sonny Angara, sinabi nito na pangunahing dahilan ng malaking pondo sa NCR ang personnel services dahil karamihan sa central offices ng gobyerno ay nasa Metro Manila.