Inamin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tagpi-tagpi at patse-patse pa rin ang mga flood control projects sa bansa.
Sa joint hearing ng Senate Committees on Public Works at Environment, Natural Resources and Climate Change patungkol sa malawakang pagbaha sa Metro Manila at sa mga karatig na lugar dulot ng pananalasa ng Bagyong Carina at habagat, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na ang mahigit 5,500 flood control projects na iniulat ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang huling SONA ay para sa immediate relief lamang.
Dito na nagisa ang DPWH matapos aminin sa pagtatanong ni Senator Imee Marcos kung maliliit lang ba na proyekto ang mga sinasabing immediate relief na flood control projects.
Giit dito ni Marcos, lumalabas na tagpi-tagpi at patse-patse pala ang mga flood control projects dahil wala pala sa bilang na ito ang mga malalaking flood control project ng bansa.
Sinita rin ng senadora na sa ilalim ng 2024 national budget, pumayag ang DPWH na tanggalin o i-zero ang pondo para sa mga foreign assisted projects para sa mga malakihang flood control projects dagdag pa rito ay inilagay na lamang sa unprogrammed appropriations ang mga malalaking proyekto para sa pagbaha.
Maliban dito, napuna rin ang P23 billion na pondo para sa feasibility study dahil sa dami ng mga pag-aaral na ginagawa ay walang nabubuo na integrated master plan para solusyunan ang matinding pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.