Malaki ang tiyansang magkaroon ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na dinaanan ng Bagyong “Quinta”.
Ito ang babala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa harap ng pagbabadya ng Bagyong “Rolly”.
Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na maraming ulan na ang naibuhos sa loob lang ng tatlong linggo.
Dahil dito, mahigpit na pinatutukan ng NDRRMC ang mga lugar na mapanganib na sa baha, landslide, storm surge at lahar flow.
Umapela rin ang ahensya sa publiko na manatili sa mga evacuation center oras na tumama na ang bagyo.
Tiniyak naman ng NDRRMC na sapat ang kanilang standby funds at family food packs para sa mga maaapektuhan ng bagyo.
“Dito po sa national we still have P890 million worth of standby funds as well as family food packs and non-food items. Ready for deployment na po ‘yan kasi naka-preposition na po sa iba’t ibang warehouses natin across the country,” ani Timbal.
Samantala, naghahanda na rin ang probinsya ng Aurora sa posibleng pag-landfall ng Bagyong Rolly sa pagitan ng Central Luzon at Quezon Province.
Matatandaang isa rin ang Aurora sa mga matinding sinalanta ng nagdaang bagyong Quinta.