
Inaayos na ng Department of Education (DepEd), katuwang ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ang K to 12 curriculum upang tugunan ang isyung hindi pa handa sa trabaho ang maraming senior high school graduates.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara sa Malacañang press briefing, mula sa 33 asignatura sa kasalukuyang curriculum, lima na lamang ang magiging required subjects, habang ang iba ay magiging electives upang mabigyan ang mga estudyante ng mas maraming pagpipilian at hindi ikahon sa iisang track.
Binigyang-diin ni Angara ang kahalagahan ng flexibility, lalo na sa panahon ng artificial intelligence, kung saan maaaring sabayan ang skills training at academic subjects.
Palalakasin din ng DepEd ang ugnayan sa industriya upang masigurong tugma sa trabaho ang mga kasanayang tinuturo sa paaralan. Dagdag pa ni Angara, palalawigin ang job immersion mula 300 oras hanggang 640 oras, o halos isang semestre ng aktuwal na karanasan sa trabaho.
Naniniwala ang DepEd na ang mga pagbabagong ito ay maghahanda sa mga estudyante para sa trabaho o kolehiyo, at magbibigay ng mas malinaw na landas tungo sa kanilang kinabukasan.










