Cauayan City, Isabela- Inaresto ng mga alagad ng batas ang isang ahente na magbibiyahe ng libu-libong piraso ng ‘crablets’ o maliliit na uri ng talangka kahapon sa Sitio Lapaz, Brgy Masisit, Sanchez Mira, Cagayan.
Kinilala ang nahuli na si Nolito Pacris, 52-anyos, may-asawa at residente ng Barangay Maura, Aparri.
Agad na rumesponde ang Quick Response Team ng Sanchez Mira Police Station matapos makatanggap ng report na may ibibiyaheng higit kumulang 45,000 piraso ng crablets.
Nang beripikahin ng mga awtoridad ang insidente sa lugar ay tumambad sa mga ito ang ginagawang paglalagay ng mga 95 na maliliit na kahon na naglalaman ng ‘crablets’ sa isang pribadong sasakyan na may plakang ABP 3574 at inaasahang ibibiyahe sa bayan ng Aparri.
Agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek gayundin ang mga nakumpiskang talangka para sa kaukulang disposisyon.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 8550 o The Philippine Fisheries Code of 1998.”