Mamamayan ng San Mateo, Sumisigaw ng Hustisya para sa Pinatay na Municipal Administrator!

*San Mateo, Isabela-* Nakatakdang mamigay ng mga flyers ngayong araw, Hulyo 06, 2019 ang mga tagasuporta at mamamayan ng San Mateo bilang paghingi ng hustisya sa pagpatay kay dating Isabela Board Member Napoleon “Nap” Hernandez na bagong talaga bilang Municipal Administrator sa nasabing bayan.

Sa impormasyong ibinahagi ni Sangguniang Bayan Member Jonathan Galapon ng San Mateo, nasimulan na kahapon ang kanilang mga nakalatag na aktibidad bilang malawakang pagkundena at pakikiramay sa pamilya ni Ex BM Hernandez sa pamamagitan ng pagsabit ng kulay itim at pulang ribbon sa harapan ng mga bahay sa iba’t-ibang lugar ng San Mateo.

Aniya, sumisimbolo ang kulay itim na ribbon ng pakikiramay at pakikidalamhati sa pamilya habang ang pulang ribbon naman ay bilang pagkundena at pagsigaw ng hustisya sa pagpatay kay Hernandez.


Magsasagawa naman ng motorcade sa umaga sa Hulyo 07, 2019 at prayer rally sa hapon na isasagawa sa Freedom Park ng San Mateo.

Sa Hulyo 08, 2019, muling magsasagawa ng motorcade habang sa Hulyo 09, 2019 ay mamahagi muli ng mga polyetos kung saan nakasulat ang mga nagawang accomplishment ni dating LMB Federation President Hernandez at paghiling na rin ng katarungan.

Magkakaroon naman ng public viewing sa munisipyo ng San Mateo kasabay sa isasagawang Necrological Service sa huling gabi ni Nap Hernandez bago ito ihatid sa kanyang huling hantungan sa Hulyo 10, 2019.

Matatandaan na pinagbabaril si Hernandez kasama ang kanyang asawa noong gabi ng unang araw ng Hulyo sa taong kasalukuyan sa Brgy. Dagupan, San Mateo, Isabela matapos na dumalo sa Oath-Taking Ceremony ng mga bagong halal na opisyal sa nasabing bayan.

Facebook Comments