Mambabatas sa Bangladesh, nagbayad umano ng mga kamukha para pumalit sa pagsusulit

Screengrab via Nagorik TV YouTube

Pinatalsik sa unibersidad ang isang politiko sa Bangladesh matapos umanong kumuha ng nasa walong kamukha para humalili sa kanya sa pagsusulit sa Bangladesh Open University (BOU).

Sinasabing nagbayad ang mambabatas na si Tamanna Nusrat mula sa partidong Awami League ng mga kamukha niya para kumuha ng nasa 13 na pagsusulit.

Isiniwalat ng pribadong broadcaster na Nagorik TV ang iskandalo nang makapanayam nila ang isa sa mga binayaran ni Nusrat.


Kumukuha ng kursong Bachelor of Arts sa BOU ang mambabatas na nahalal noong nakaraang taon.

Sinabi ni BOU Vice Chancellor Professor MA Mannan sa AFP na hindi na muling makakabalik sa unibersidad si Nusrat dahil sa krimeng ginawa nito.

Napag-alaman din na protektado ng mga bantay ng mambabatas ang mga kinuhang kamukha habang sumasagot ito sa pagsusulit.

Wala rin umanong gustong magsalita tungkol dito dahil mula sa kilalang pamilya si Nusrat.

Facebook Comments