Naniniwala ang World Health Organization (WHO) na hindi pa kailangang ibalik ang mandatoryong pagsusuot ng face shield.
Ito ay sa kabila ng banta ng mas nakakahawang COVID-19 variant na Omicron.
Ayon kay WHO Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe, ang COVID-19 ay airborne at naililipat sa pamamagitan ng close contact sa taong positibo sa virus.
Aniya, mahalaga pa rin ang pagsunod sa physical distancing, pagsusuot ng face mask at kalinisan sa katawan para makaiwas sa COVID-19.
Sinabi naman ni DOH Epidemiology Bureau Head Dr. Alethea De Guzman na hindi pa nila nakikita ang muling paggamit ng face shield kapag lumalabas ng bahay.
Nanatiling mababa aniya ang transmission level ng COVID-19 sa bansa kaya wala pang dahilan para gawing mandatory ang pagsusuot ng face shield.