Cauayan City, Isabela- Hiniling ni City Mayor Bernard Dy sa Provincial Government ng Isabela na irekomenda sa Regional Inter-Agency Task Force na gawing mandatory ang pagsasagawa sa rapid testing para sa pasahero na uuwi at magbibiyahe sa kabila ng hamon ng COVID-19 sa bansa.
Sa ginawang Public Address ni Mayor Dy, ito ay upang matiyak na ligtas ang lungsod sa posibleng pagkalat ng virus lalo pa’t inaasahan ang pagbiyahe ng mga domestic flights sa lungsod.
Aniya, nagkaroon na rin ng pagpupulong sa pagitan ng mga hotel owners na humihiling na gawing quarantine facilities ang kanilang mga hotels para sa mga pasahero na uuwi sa siyudad at ipapatupad pa rin ang paghihigpit sa mga health protocols kaugnay dito.
Dagdag pa niya, nakahanda na rin ang mga isolation tents sa airport at nakapagsagawa na rin ng dry-run para sa muling pagbabalik operasyon ng paliparan.
Patuloy ang ginagawang koordinasyon ng Lokal na Pamahalaan sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa opisyal na pagbiyahe ng mga domestic flights.