Itinutulak sa Kamara ang mandatory na pagbabakuna ng COVID-19 vaccines sa lahat ng mga manggagawa sa bansa.
Sa House Bill 10458 na inihain ni AGAP Partylist Rep. Rico Geron, gagawing obligado na ang mga manggagawa na magpabakuna laban sa COVID-19.
Paliwanag ng mambabatas, marami pa rin ang bilang ng mga empleyado na tinatamaan ng sakit kahit patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang vaccination program.
Sa ilalim ng panukala ang mandatory na pagbabakuna sa mga manggagawa sa bansa ay kukunin sa suplay ng bakuna ng pamahalaan.
Sa ngayon kasi ay kanya-kanyang pamamaraan ang mga employer sa pagbibigay proteksyon sa kanilang mga empleyado para magtuloy-tuloy ang kanilang operasyon.
Inaatasan din sa panukala ang Department of Health (DOH) na makipag-ugnayan sa Local Government Units (LGUs) para sa pagbuo ng rules and regulation sa pagpapatupad ng batas.