Friday, March 6, 2026

Manibela, pag-uusapan kung magkakasa ng transport strike

Pag-uusapan pa ng transport group na Manibela kung magkakakasa sila ng tigil-pasada bunsod ng mga nakaambang malakihang taas presyo sa petrolyo.

Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, nakatakda silang magpulong kaugnay dito pero posible rin silang magdaos ng kilos-protesta sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ni Valbuena na bagama’t nakaamba pa lamang ang pagpalo ng kada litro ng diesel sa P80, may mga gasolinahan na ang nagtaas ng presyo sa P90 kada litro sa ilang lugar sa Metro Manila.

Dahil dito, umapela ang grupo sa pamahalaan na imbestigahan ang tinawag nilang pananamantala sa nangyayaring tensiyon sa Middle East lalo’t mga stock pa anila ng langis ang ibinebenta ngayon.

Samantala, muling nanawagan ang Manibela sa pamahalaan na madaliin na ang pagsuspinde sa excise tax ng langis at ang panawagang fuel subsidy at provisional fare hike.

Kung patuloy anila na tataas ang petrolyo ay malulugi ang mga bumibiyahe na posibleng mauwi sa pansamantalang pagtigil ng pamamasada.

Facebook Comments