Pinayuhan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga mamamayan na pagnilayang mabuti ang karakter at uri ng kandidatong ihahalal sa 2022 national and local elections.
Ayon sa kardinal, mahalagang maging matalino ang mahigit sa 60 milyong botante sa pagpili ng mamumumo sa bansa para sa kapakinabangan ng lipunan.
Sinabi ng arsobispo na mabisang batayan sa national discerment sa pagpili ng lider ng bansa ang panawagan ni Pope Francis na ‘better politics’ na nakatuon sa kabutihan ng bawat isa.
Bilang kristiyanong mananampalataya inaasahan ni Cardinal Advincula ang pagiging ‘maka-Diyos kaya makabayan’ ayon na rin sa pahayag ng Santo Papa na ‘social charity’ o ‘political charity’.
Ipinaliwanag ni Cardinal Advincula na kaakibat ng mga katangiang nabanggit ang kahandaang maglingkod ng tapat sa bayan, magsusulong ng tunay na pagbabago tungo sa isang maunlad at kaaya-ayang pamayanan.
Ipinapanalangin ni Cardinal Advincula ang bawat Filipino na maihalal ang wastong lider na magtataguyod sa kabutihan ng bayan.