Ipinapaalala ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila sa mga residente nito na maaari nilang gamitin ang luma nilang quarantine pass kung nais nilang lumabas para bumili ng mga pangangailangan.
Ang paalala ay kaugnay sa pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa buong Metro Manila mula ngayong araw hanggang August 18, 2020.
Sa inilabas na joint memorandum ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Manila at Manila Barangay Bureau, kinakailangan na bitbit ng bawat residente ang kani-kanilang mga quarantine pass kapag lalabas ng bahay kung saan ipatutupad ang odd-even scheme.
Ang ibang nawala na ang quarantine pass ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang barangay opisyal para malaman kung papaano muli ang proseso para makakakuha nito.
Ang mga residenteng may hawak na quarantine pass na odd number ang dulo ay maaaring lumabas tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes sa oras na alas-5:00 ng umaga hangang alas-9:00 ng gabi at alas-5:00 ng umaga hanggang alas-1:00 ng hapon kapag Linggo.
Ang mga quarantine pass na may even numbers ay maaaring lumabas tuwing Martes, Huwebes at Sabado sa oras na alas-5:00 ng umaga hanngang alas-9:00 ng gabi at alas-2:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi kapag Linggo.
Muli rin ipinaalala ng Manila Barangay Bureau na isa kada pamilya lamang ang maaaring lumabas na ang edad ay 21 hanggang 59-anyos, maliban na lamang kung ang mga senior citizen ay walang kasama para bumili ng kanilang pangangailangan.
Una na ring ipinag-utos ni Mayor Isko Moreno sa Manila Police District na arestuhin ang mga pasaway na mag-iinuman sa kalsada at mahigpit din nitong bilin na iwasan ang tsismisan sa opisina at sa bawat komunidad para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.