Manila Health Department, pinapa-monitor sa mga barangay health workers ang mga lugar na zero cases na ng COVID-19

Pinatututukan ng Manila Health Department sa mga barangay health workers ang mga lugar sa lungsod ng Maynila na wala ng naitatalang kaso ng COVID-19.

Hangad kasi ng Manila Health Department na manatiling zero cases ang mga lugar na ito kasabay ng patuloy na pagbaba ng aktibong kaso ng virus na nasa 23 na lamang.

Ang mga lugar na pinapa-monitor ay ang Binondo, Intramuros, Pandacan, Quiapo, San Miguel, Sta. Cruz at Sta. Mesa.


Bukod dito, patuloy ang ginagawang hakbang ng Manila Health Department sa ibang lugar naman na nakakapagtala ng aktibong kasi upang tuluyan ng gumaling ang mga tinatamaan ng COVID-19.

Nabatid kasi na sa datos ng lokal na pamahalaan ng Maynila, nangunguna ang Tondo-1 na may mataas na bilang ng positibong kaso na nasa 5 habang tig-4 naman sa San Andres at Sta. Ana.

Tig-2 naman sa Malate, Sampaloc, at Tondo-2 kung saan tig-iisa sa Ermita, Paco, Port Area at San Nicolas.

Kaugnay niyan, hinihimok ng Manila local government ang lahat ng residente na sumailalim na sa pagbabakuna upang kahit papaano ay maging ligtas sa COVID-19 at sa lumalabas na variant gayundin ang mga sub-variant nito.

Facebook Comments