Manila LGU, hinimok ang mga Manileño na tumulong para matukoy ang mga residente na nais magpabakunta kontra COVID-19

Hinihimok ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang bawat manileño na tumulong para matukoy nila ang mga barangay na maraming bilang ng residente na nais magboluntaryong magpa-bakuna kontra COVID-19.

Ito’y para malaman ng Manila Local Government Unit (LGU) kung ilang health workers ang kanilang ide-deploy at matukoy kung saan lugar puwedeng magsagawa ng vaccination program.

Nais din ng lokal na pamahalaan na ang bawat residente na nais magpabakuna ay tumulong sa pagpapakalat ng impormasyom hinggil sa proseso ng kanilang vaccination program upang makapang-hikayat sa iba na magparehistro.


Maging si Manila Mayor Isko Moreno ay hinihimok din ang mga residente na magparehistro na upang agad nilang makuha ang data at maging mabilis ang proseso sa pagbabakuna sakaling may payagan na ang gobyerno.

Ang mga residente naman na mababakunahan ay bibigyan ng identification card o “COVID passport” na kanila namang magagamit sa pagbiyahe at sa trabaho.

Sinabi pa ni Moreno na inaasahan nila na darating ang inorder na bakuna sa Marso o sa buwan ng Setyembre.

Habang wala pang bakuna, patuloy naman silang naghahanda at gumagawa ng paraan para mapababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Facebook Comments