Tuesday, April 7, 2026

Manila LGU, itinaas ang halaga ng tulong para sa mga tsuper na sumali sa libreng sakay

Itinaas ng lokal na pamahalaan ng Maynila mula ₱3,500 sa ₱4,000 ang halaga ng tulong sa mga tsuper ng jeep na nasa ilalim ng programang libreng sakay.

Inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno ang dagdag na ₱500 kasunod ng ₱18 na pagtaas sa presyo ng diesel ngayong araw, April 7, 2026.

Ayon sa alkalde, ang hakbang ay bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng gastos sa krudo at maging sa mga pangunahing bilihin.

Bahagi rin ito ng hakbang ng pamahalaang lungsod upang maibsan ang pasaning kinakaharap ng mga tsuper at operator, habang patuloy na nagbibigay ng libreng sakay sa mga commuter sa lungsod.

Layunin din nito na kahit papaano ay mabawasan ang gastusin sa biyahe ng mga pasahero.

Nabatid na kahapon, April 6, 2026, umabot sa 194,325 pasahero ang natulungan ng programang libreng sakay, kung saan nasa 1,052 jeep ang aktibong bumibiyahe upang maghatid ng serbisyo.

Facebook Comments