Nagsanib-pwersa ang lokal na pamahalaan ng Maynila at Nueva Vizcaya para sa isang proyektong layong matulungan ang mga magsasaka at maibenta ang kanilang mga produkto.
Idaraos sa Huwebes at Biyernes o Nov. 17 at 18, 2022 sa Kartilya ng Katipunan Park, sa tabi ng Manila City Hall ang proyektong “Nueva Vizcaya Tienda in Manila”.
Sa abiso ng Manila Public Information Office (PIO), ibebenta rito ang iba’t ibang sariwang produkto na iluluwas sa Maynila mula sa Nueva Vizcaya.
Bukd dito, abot-kaya ang mga mabibiling produkto rito tulad ng mga gulay, prutas at marami pang iba.
Inaasahan din na ibebenta rito ang mga produktong handicraft na gawa ng mga residente ng Nueva Vizcaya.
Apela naman ng Manila Local Government Unit (LGU) sa publiko na suportahan ang proyektong ito bilang tulong at Pamasko na rin sa mga magsasaka.
Payo naman ng lokal na pamahalaan sa mga tutungo sa Nueva Vizcaya Tienda in Manila, magdala ng sapat na halaga, at eco bag o bayong para sa kanilang pamimili.