Limang manok pansabong ang hindi na nakarating sa sabungan matapos na ang mga ito ay masabat ng personnel ng Regional Quarantine Office ng DA Bicol. Natunugan ng mga kawani ng DA na ang mga manok na ito ay galing ng Pampanga kung saan kalat ngayon ang bird flu virus. Ang naturang mga manok-pansabong ay nasabat sa Catanduanes at pinaniniwalaang balak sanang ilaban sa mga sabungan doon.
Sa exclusive interview ng RMN Naga DWNX 1611 kay DA Regional Information Officer Emily Bordado, sinabi niyang kaagad na sinunog at inilibing ang naturang mga manok pansabong para matiyak ang kaligtasan ng publiko kahit na hindi pa naman kinakikitaan ang mga ito ng sintomas ng bird flu. Idinagdag pa ni Bordado na sa ngayon wala pa namang kaso ng bird flu sa buong rehiyon.
Patuloy namang naka-alerto ang Regional Quarantine Office at Bureau of Animal Industry para tiyaking walang makakalusot na posibleng carrier ng bird flu virus dito sa Kabicolan. Iwasan na rin daw muna ang pagkain ng mga hilaw na poultry products lalo na ang itlog, dagdag pa ni Bordado.