Cauayan City, Isabela – Pinutulan ng kuryente ang Marabulig Uno Elementary School sa Cauayan City, Isabela dahil sa hindi nabayarang utang o obligasyon sa kuryente na umabot sa Php39,000.00 sa loob ng apat na buwan.
Ayon kay ginoong Carlito Corpuz, ang tumatayong Officer In-Charge ng Marabulig Uno Elementary School na nakipag-ugnayan na umano siya sa kanilang Principal na si ginoong Joel Ibañez, kung saan ay sariling pera na umano ni ginoong Ibañez ang pambayad ng utang sa ISELCO 1.
Dahil dito ay nakatakdang magtutungo ngayong araw si ginoong Corpuz sa ISELCO 1 upang bayaran ang kanilang utang sa kuryente, kaya’t inaasahan din anumang oras ngayon na maibabalik na ang suplay ng kuryente sa Marabulig Uno Elementary School.
Ipinaliwanag pa ni ginoong Corpuz na ang pagkakaputol ng kuryente ay dahil umano sa pagkakaantala o tagal ng proseso ng kanilang Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE sa Division Office, mula sa buwan ng July hanggang Agosto.
Itinanggi rin ni Corpuz ang umano’y madalas na kawalan ng kuryente sa kanilang paaralan, na aniya’y minsan lamang ito nangyari noong ika-labing pito ng Agosto kung saan ay nagkaroon lamang umano ng short circuit sa kawad ng kuryente.
Magugunita na kahapon ay nakatanggap ng reklamo ang RMN Cauayan mula sa isang concerned citizen dahil sa kawalan ng kuryente sa nasabing paaralan.