Abot sa isang libo limang daang baboy na infected ng African Swine Fever ang sasailalim sa “Culling”o pagpatay ngayong araw sa Barangay Payatas sa QC.
Ayon kay QC Veterinary Office Inspector Dick Domingo, kasama ng mga Veterinarians ang mga tauhan ng Quezon City Police at Barangay Officials sa pagbahay bahay para sa Culling operations.
Gagamitan ng Lethal injection ang pagpatay sa mga baboy.
Tulad sa Barangay Bagong Silangan, hinimok din ni QC Mayor Joy Belmonte ang mga backyard raisers na isuko ang kanilang mga alagang baboy.
Bibigyan ang mga hog raisers ng tig P3 libo sa bawat baboy na isusuko at papatayin at karagdagang Livelihood Assistance at Scholarship para sa kanilang mga anak.
Una nang naglaan ng P10 milyong pondo ang City Gov’t matapos makumpirma na nakapasok na ang ASF sa Barangay Bagong Silangan at Barangay Payatas sa Lungsod.