Inanunsyo ngayon ng Taskforce Bangon Marawi na hindi na naman matutuloy ang ground breaking ceremony para sa reconstruction ng lungsod ng Marawi ngayong buwan.
Ito na ang ikalawang beses na hindi natuloy ang groundbreaking matapos hindi ito matuloy noong June 11.
Ito ang ibinunyag ni Taskforce bangon Marawi at HUDCC Chairman Secretary Eduardo Del Rosario na posibleng sa huling bahagi pa ng Agosto matuloy ang groundbreaking.
Pero tiniyak naman ni Del Rosario na hindi ito makaaapekto sa target completion date ng reconstruction ng Marawi City na itinakda sa December ng 2021.
Paliwanag ni Del Rosario, nagkaroon ng resolusyon ang Selection broad committee na magdeklara ng unsuccessful negotiation sa dalawang developer ng BMC at Power China.
Hindi kasi aniya nakapag-comply ang mga ito ng ilang requirements partikular sa kanilang financial, technical at legal parameters.
Sa ngayon aniya ay nasa proseso parin ng selection o pagpili sa magiging developer bago sumabak sa swiss challenge dahil gusto nilang matiyak na maganda ang kalidad at nasa tamang halaga.
Sa kabila naman nito ay sinabi ni Del Rosario na kuntento naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga hakbang na ginagawa nila sa pagbangong muli ng Marawi City.
Sa katunayan ay natutuwa pa aniya ang Pangulo dahil nakikita ang mga transitory shelters para sa mga naging biktima ng kaguluhan.