Marcos admin, bubuo ng team of rivals; Gabinete, bukas sa lahat ng partido – Sen. Imee

Tiniyak ni Senator Imee Marcos na magiging bukas sa lahat ng partido ang administrasyon ng kanyang kapatid na si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa interview ng DZXL-RMN Manila, sinabi ng senadora na handa ang nakababatang Marcos na bumuo ng “team of rivals” o magtalaga ng mga tao sa kanyang gabinete kahit pa nanggaling sa kalaban sa politika.

“Yung sa Cabinet members, marami kaming nire-recommend na galing sa iba’t ibang partido. Kasi yung dream talaga ever since pati sa tatay ko noon… yung tinatawag na team of rivals,” ani Senator Imee.


“Kahit kalaban ninyo sa politika, kahit hindi kayo nagkakaisa sa ambisyon, sa partido, e kung nagkakaisa naman kayo sa ambisyon para sa ating bansa, bakit hindi magsama-sama ang best and brightest,” dagdag niya.

Nabatid na kabilang sa magiging bahagi ng gabinete ni Marcos sina dating National Economic and Development Authority (Neda) chief Arsenio Balicasan na dati na ring namumo sa ahensya sa ilalim ng administrasyon ni Benigno “Noynoy” Aquino at si dating Labor Secretary Bienvenido Laguesma na namuno noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Bukod dito, mahaba-haba rin aniya ang listahan ng mahuhusay mula sa Liberal Party na pwede ulit na magsilbi.

“Syempre I won’t jump the gun on the appointees, di naman ako kasama sa transition team. Pero kung sa akin lang, maraming magaling na nagmula sa iba’t ibang partido, nagsilbi sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon na oposisyon kami pero ganun pa man, sila ang pinakamagagaling na Pilipino at talagang bakit hindi ituloy-tuloy,” saad pa niya.

Muli namang umapela ang senador sa lahat na mag-move on na at sa halip ay magsama-sama sa pagharap sa mga problema ng bansa.

“Mabigat na nag kasaysayan ng ating bansa, wag na tayong bumalik sa mga hinanakit, galit. Kailangan talaga mag-move on tayo bilang isang bansa at sama-samang harapin ang napakaraming problema sa ating bukas. Katakot-takot na problema nitong post COVID, halos walang pera, saksakan ng daming utang, napakarami talagang dapat lutasin,” pakiusap ng senadora.

Facebook Comments