Marcos vs Romualdez: Sen. Imee, tinuro si Romualdez na nasa likod ng People’s Initiative

Hinikayat ni Senator Imee Marcos si Speaker Martin Romualdez na dumalo sa pagdinig ng Senado patungkol sa pangangalap ng lagda sa People’s Initiative para sa Charter Change.

Sa pulong balitaan ay direktang itinuro ni Sen. Marcos ang tanggapan ng kanyang pinsan na si Romualdez na nasa likod ng pagpapapirma sa mga tao para sa People’s Initiative kapalit ng malaking halaga sa mga distrito ng mga kongresista.

Aniya, ang opisina ni Romualdez ang nag-alok ng P20 million sa kada distrito para mangalap ng lagda para sa People’s Initiative at sa tanggapan din ng speaker nanggaling ang timeline na pagsapit ng July 9 ay tapos na ang lahat.


Sa tanong naman kung ipapatawag si Romualdez sa gagawing imbestigasyon ng Senado, sinabi ni Sen. Marcos na lahat naman ay posibleng mangyari at dahil palaging itinuturo at sinisisi ang Speaker ay baka gugustuhin din nitong humarap sa pagdinig para makapagpaliwanag at malinis ang kanyang pangalan sa taumbayan.

Pagtitiyak naman ng senadora na hindi ito sapilitan at kanila pa ring pinapairal ang inter-parliamentary courtesy sa lahat ng mga mambabatas.

Sa Martes idaraos ang pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation kung saan ilan sa mga inimbitahan ay ang mga dating Justices na sina former Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr., former Associate Justices Antonio Carpio at Adolfo Azcuna at iba pang constitutionalists.

Dagdag pa ni Sen. Marcos, kasama rin ang People’s Initiative for Reform Modernization and Action (Pirma) sa ipapatawag dahil sa kanilang kontrobersyal na TV ad at bagama’t may mga kongresistang naghayag na magsalita pero anonymous naman ang gusto at ayaw lumantad sa dahilang baka ma-zero sa kanilang budget.

Facebook Comments