Mas istriktong Pagpapatupad ng Health Protocol sa Tuguegarao City, Irerekomenda sa RIATF

Cauayan City, Isabela- Pumalo na 227 ang kabuuang aktibong kaso ng COVID-19 na naitala ng lokal na pamahalaan ng Tuguegarao City.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay City Information Officer Lenie Umoso, inaasahan naman na magpupulong ang task force para hilingin ang tugon ng RIATF sa pagsasailalim sa istriktong pagpapatupad ng health protocol sa harap magiging rekomendasyon ni Mayor Jefferson Soriano para sa magiging estado ng lungsod mula sa dumaraming kaso nito.

Ayon pa kay Umoso, 30 barangay na mula sa 49 ang apektado na ngayon ng lumalalang kaso ng mga tinamaan ng virus.


Naitala naman ang kabuuang 737 na mga nakarekober na sa nasabing sakit; 16 ang naiulat ng namatay at pumalo sa 980 ang mga naitalang tinamaan ng COVID-19 sa lungsod.

Samantala, aprubado na sa Sangguniang Panlungsod ang Resolution No. 056-08-2021, na naglalayong bilhin ang 25,000 sets ng Astrazenica vaccine mula sa City Government ng Baguio, kung saan isa ito sa mga LGUs o pilot areas na nakahandang bumili ng nasabing bakuna sakaling dumating na sa bansa.

Patuloy naman ang panawagan ng pamahalaan na sundin pa rin ang standard health protocol para maiwasan ang paglobo ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Facebook Comments