Isinusulong ni Pangasinan 4th district Representative Christopher de Venecia na labanan ang stigma na bumabalot sa esports industry at gaming.
Ayon kay De Venecia, hindi naituturing bilang lehitimong propesyunal ang mga esports athlete ng ilan dahil nakikita nila ang video games bilang isang bisyo, distraction o uri ng sugal.
Aniya, nahihirapan ang mga Filipino esports team sa paglahok sa mga international tournament dahil nade-deny ang kanilang visa application o travel documents dahil hindi sila kinikilala bilang kinatawan ng bansa sa naturang larangan.
Isa na rito ang Bren Esports team ng bansa para sa larong Valorant ay napilitang mag-withdraw kahit kwalipikado sila sa tournament sa Berlin, Germany noong September 2021.
Dahil dito, layon nitong makipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang mapagbuti ang trato sa mga esports athletes kapag makikipagkumpitensya sa mga international tournament.
Dagdag pa rito, layon din nitong makipag-usap sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang bumuo ng mas maayos na kontra na pumoprotekta sa panig ng mga owner ng team at sa mga manlalaro mismo.