
Cauayan City – Mas paiigtingin ng Land Transportation Office (LTO) ang proseso ng practical examination para sa mga motorcycle riders na kukuha ng kanilang driver’s license.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, kinakailangang higpitan ang pagsusuri sa mga bagong aplikante kasunod ng isang insidente kung saan dalawang motorcycle riders ang nagkarerahan, maging ang naitalang 30% na pagtaas ng mga naitatalang aksidente noong 2024, na umabot sa 638 na kaso na higit na mas mataas kumpara noong 2023.
Napansin ng ahensya na sa maraming lugar sa bansa, simpleng atras-abante lamang ang ginagawang practical test upang makapasa kaya naman plano ng LTO na gawing mas mahigpit ang eksaminasyon upang matiyak na may sapat na kakayahan ang mga kukuha ng lisensya.
Bukod dito, nananawagan din ang LTO sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na isama ang road safety education sa kurikulum ng mga paaralan upang matuuruan ang mga estudyante ng tamang disiplina sa pagmamaneho, pati na rin ang mga batas-trapiko at tamang paggamit ng road signages upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.