Isinusulong ni Deputy Majority Leader Marlyn Alonte na mas palawakin pa ang pag-ban sa vape sa pamamagitan ng pagkakaroon ng batas sa pag-re-regulate sa vape o e-cigarettes tulad sa mga tobacco o sigarilyo.
Inihain ng Kongresista ang House Bill 5561 kasunod ng utos ni Pangulong Duterte na i-ban na ang pag-gamit ng vape at pag-pasok ng mga ganitong produkto sa bansa.
Layunin ng panukala na palawakin at bigyan ng batas ang mas malawak na vaping ban.
Inaamyendahan ng panukala ang Tobacco Regulation Act kung saan tatawagin itong Tobacco ang Vaping Regulation Act.
Tulad sa mga sigarilyo ay i-re-regulate na rin ang packaging, pag-gamit, pag-bebenta, pamamahagi at advertisement ng lahat ng electronic nicotine delivery systems at electronic non-nicotine delivery systems.
Kaugnay dito, ipagbabawal na rin ang pagbebenta ng vape o e-cigarettes sa mga menor de edad at pinalalagyan ng health warning signs ang pakete o lalagyan nito.
Ayon kay Alonte, patunay na nakasasama sa kalusugan ang vape matapos ang ilang napaulat na pagkakasakit dahil dito.
Tinukoy ng kongresista na ang vaporized nicotine ay tulad pa rin sa nicotine ng sigarilyo na nakakapinsala sa kalusugan ng isang tao.