Mas maraming deboto ngayon ang dumagsa sa Quiapo Church matapos na payagang dagdagan ang kapasidad nito sa ilalim ng guidelines ng Alert Level 3 na ipinapatupad sa Metro Manila.
Nabatid na nasa 30 percent na ang pinapayagan na makapasok sa loob ng simbahan habang 50 percent naman ang capacity sa labas partikular sa Carriedo at Plaza Miranda.
Ang mga debotong nabakunahan at may maipapakitang vacciantion card o kahit kopya nito sa cellphone ang siyang papayagan na makapasok sa loob.
Hiwalay ang pila para sa mga nakakumpleto na ng bakuna at sa mga naturukan ng first dose kasama ang hindi pa nabakunahan.
Bawat isa sa kanila ay bibigyan ng mga health declaration slip at ang mga walang hawak nito ay hindi makakapasok sa loob.
Mahigpit na ipinapatupad ang health protocols kontra COVID-19 tulad ng physical distancing at pagsusuot ng face mask.
Sa kabila nito, hinihimok pa rin ng pamunuan ng simbahan ang mga deboto na kung maaari ay makinig at manood na lamang ng misa sa kanilang online at social media platforms.