Mas maraming pulis, ipakakalat sa mga susunod na araw dahil sa sinasabing pagdami ng iba’t ibang uri ng krimen sa bansa

Aasahan ang mas maraming presensya ng mga pulis sa lansangan sa iba’t ibang mga lugar sa bansa sa mga susunod na araw.

Ito ang sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa press briefing sa Malakanyang.

Ito ay sa harap ng mga ulat na dumarami na naman ang krimen tulad ng pagdukot, pagpatay at panggagahasa sa iba’t ibang panig ng bansa.


Sinabi ni Abalos, nag-usap na sila ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., kaugnay sa mga sinasabing pagdami ng krimen sa bansa pero lumalabas na ilan sa mga kasong ito ay gawa-gawa o luma na at pinalulutang na mukhang bagong insidente.

Gayunpaman, sinabi ni Abalos na humingi pa rin siya kay PNP chief ng tunay na numero ng mga bagong kaso na inaasahang niyang isusumite sa kaniya sa susunod na linggo.

Giit ng DILG chief, mahirap namang maglabas agad siya ng komento o kautusan nang hindi pa niya nakikita ang totoong sitwasyon at wala pang ginagawang beripikasyon sa mga ulat ng ganitong uri ng krimen.

Kaugnay nito, pinawi ng kalihim ang pag-aalala ng publiko at sinabing may nauna na siyang direktiba sa Pambansang Pulisya na paigtingin ang police visibility.

Facebook Comments