Epektibo kaninang alas 5:30 ng umaga, mas maraming sasakyan ang inilabas ng Philippine National Police (PNP) para sa kanilang “Libreng Sakay” program.
Ito ay makaraang atasan ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa ang Directorate for Police Community Relations (DPCR) at Police Community Affairs and Development Group (PCADG) na dagdagan ang kanilang mga sasakyang ginagamit sa programa para makatulong sa mga apektado ng kakulangan ng pampublikong transportasyon.
Ayon kay Police Community Relations Director Major General Dionardo Carlos, karagdagang 12 bus at troop carriers mula sa PNP Special Action Force at Logistic Support Services (LSS) ang pinagamit sa kanila para sa programa sa Metro Manila.
Aniya, nagpapatupad din ng kani-kanilang libreng sakay ang mga Police Regional Offices sa pakikipagtulungan ng mga Local Government Units (LGUs).
Sinabi pa ni General Carlos na may instructions na sa mga PNP personnel na kasama sa programa na ipatupad ang physical distancing kaya 50% lang ng kapasidad ng mga sasakyan ang maaaring gamitin.
Humingi naman ng pasensya sa publiko si Carlos kung hindi nila maisasakay ang lahat ng stranded na pasahero dahil kailangan aniyang istriktong ipatupad ang mga health protocol para sa kaligtasan ng lahat.