Mas mataas na pondo para sa DA, mababalewala kung may korapsyon – SINAG

Umaasa si outgoing Agriculture Secretary William Dar na mabibigyan ng mas malaking pondo ang kagawaran sa ilalim ng pamumuno ni President-elect Bongbong Marcos Jr.

Sabi ni Dar, nakasisiguro siyang mas matututukan ang rehabilitasyon at pagpapalakas sa Department of Agriculture (DA) makaraang sabihin ni Marcos na magiging top priority ito ng kanyang administrasyon.

Samantala, sa panayam ng RMN Manila, iginiit ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chair Rosendo So na mahalaga ring masugpo ang korapsyon sa loob ng DA.


Aniya, mawawalan ng saysay ang paglalaan ng malaking pondo sa ahensya kung meron namang korapsyon.

“Yung pondo, kung may korapsyon e mauubos ang pera. I think mas importante na maayos yung department, walang korapsyon para at least e, maski maliit ang pondo, makakarating sa ating mga magsasaka,” ani So.

Samantala, handa na ang transition report ng DA kung saan nakapaloob din dito ang mga short-, medium-, at long-term plans upang mapahusay ang produksyon ng bigas, mais at iba pang fishery products.

Kabilang din dito ang mga programang layong dagdagan ang kita ng mga magsasaka at mangingisda.

Facebook Comments